
‘Robotics’ at ‘drones’ laban sa mga peste sa bukid. Ito ang ideya sa likod ng PEST D-Tech, isang inobasyon mula sa Central Luzon State University (CLSU) upang labanan ang pamiminsala ng mga peste sa mga maisan at sibuyasan ng Nueva Ecjia. Gamit ang mga drone, sinusuyod ang buong taniman upang makakuha ng impormasyon sa pagpapaunlad ng pagsasaka.
Sa pangunguna nina Dr. Gella Patria Abella at Dr. Elaida R. Fiegalan, ang proyekto ay nakatutok sa masusing pagsusuri ng kalusugan ng mga pananim na mais at sibuyas. Katulong ang mga drone, na tinatawag din na mga ‘unmanned aerial vehicles (UAV),’ mas napapadali ang proseso ng pagsusuri dahil sa kakayahan nitong kumuha ng mga litrato mula sa himpapawid.
Isa sa mga sinuri ng PEST D-Tech ay ang mga ‘infrared lights’ mula sa araw na ibinabato pabalik ng mga halaman tuwing nagaganap ang ‘photosynthesis.’ Batay sa prosesong ito, gamit ang mga drone upang maitala ang infrared lights na ibinabato sa mga halaman. Kapag mas maraming infrared lights ang nakikita mula sa mga halaman, ibig sabihin ay malulusog ang mga ito. Kapag mas kaunti ang infrared lights ay nangangahulugang lanta na ang halaman. Ang infrared lights, hindi gaya ng mga ‘visible lights’ ay hindi nakikita ng mata ng tao.
Mula sa mga litratong kuha PEST D-tech, bumubuo ang proyekto ng mga mapa ng mga maisan at sibuyasan sa Nueva Ecija na naglalahad ng antas ng kalusugan ng mga ito. Maaari itong magamit na basehan sa pamamahala ng mga pananim.
Sa kasalukuyan, dalawang komprehensibong mapa ng impestasyon ng mga pesteng insekto at sakit ang nabuo na ng proyekto. Sa pamamagitan nito ay madaling matutunton ng mga lokal na magsasaka at opisyal ng agrikultura kung saan nananalasa ang mga pesteng insekto at sakit sa lugar.

Bukod sa mga drone, plano rin ng proyekto na gumamit ng mga ‘unmanned ground vehicles’ (UGVs) na susuyod sa lupa. Dagdag tulong ito sa pagsusuri ng mga malalaking sakahan.
Matatapos ang proyekto sa darating na Marso ngayong taon. Ang mga naisagawa sa proyekto ay makatutulong sa mga lokal na opisyal sa agrikultura, mga kooperatiba, at pribadong sektor. Gamit ang mga napapanahong impormasyon at abiso mula sa PEST D-Tech, inaasahang maghahatid ito ng karagdagang kaalaman at suporta sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng agrikultura.
