
Mababawasan na ang mga pagkalugi ng mga magsasaka na karaniwang nararanasan sa proseso ng ‘postharvest’ o mga gawain pagkatapos mag-ani. Ito ay sa pamamagitan ng isang teknolohiya na tinatawag na ‘low-cost cold chain system’ na may kakayahang sumubaybay sa proseso nang agaran o ‘real-time monitoring.’
Nadebelop ang modelo ng nasabing cold chain system sa ilalim ng proyektong, “Cost-Effective Cold Chain Systems and Product Monitoring for Selected High-Value Crops,” ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Ang proyektong ito ay pinamumunuan ni Professor Kevin F. Yaptenco ng Agricultural Food and Bioprocess Engineering Division ng Institute of Agricultural and Biosystems Engineering (IABE) ng UPLB at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang ‘cold chain system’ ay ginagamit para sa imbakan at transportasyon na ginagamitan ng ‘refrigeration’ upang mapanatiling sariwa ang mga produktong agrikultura na madaling masira. Ginagamit ito upang masiguradong wasto ang pagkarga ng mga produkto at akma ang temperatura ng pinag-sisilidan ng produkto kapag ito ay ibinabyahe na.
Bagamat karaniwan nang ginagamit ng mga malalaking kumpanya ang cold chain system, hindi ito karaniwang abot-kamay ng mga maliliit na ‘agripreneurs’ dahil karaniwang magastos ang paggamit ng sistemang ito. Ang pagdebelop ng low-cost o mababang presyong cold chain system ay naging tugon ng UPLB para mabigyan ang mga maliliit na agripreneur ng isang alternatibong paraan upang masigurado ang ligtas na pagbabyahe ng mga ani ng magsasaka.

Ang modelo ng cold chain system ay may mga bahaging dinebelop para sa ‘on-farm precooling,’ mababang temperatura para sa transportasyon, at ‘cold storage’ na nababagay sa kaunting ani. Ang proyekto ay nagdebelop din ng modelo ng ‘data loggers’ upang maitala ang pag-alog, temperatura, at ‘relative humidity’ habang nakaimbak at ibinabyahe ang mga produkto.
Sinubukan ang sistema ng cold chain ng mga miyembro ng proyekto sa mga ani na pinya, repolyo, dragonfruit, at broccoli.
Naipakita sa mga resulta na ang UPLB cold chain ay may kakayahang mapatagal ang ‘shelf life’ ng mga produktong pang-agrikultura kumpara sa mga produktong hindi sumailalim sa cold chain.
Ayon pa sa mga resulta, ang cold chain system ay angkop sa pamamahala ng mga maikli at mabilisang supply chain. Maliban pa rito, malayang magamit ang bawat bahagi ng sistema kung saan mas mapadadali ang paggamit dito.
Ayon sa pangkat ng proyekto, nasa proseso pa ang pagdedebelop ng teknolohiya. Kapag ito ay nakumpleto na, positibo ang proyekto na magiging malaking tulong ang teknolohiyang ito sa pagsuporta sa mga maliliit na negosyo. Inirerekomenda rin ng proyekto na makapagpatayo ng mga ‘cooling hubs’ na maaaring mapangasiwaan ng mga kooperatiba, asosasyon ng mga magsasaka, at mga ‘micro, small, and medium enterprises’ (MSMEs).

