
Upang labanan ang pananalasa ng “fall armyworm” (Spodoptera frugiperda) o FAW sa mga tubó sa rehiyon ng Negros, isang programa ang inilunsad ng gobyerno upang bumuo ng mga estratehiya laban sa nasabing peste. Ito ay pamumunuan ng National Crop Protection Center ng University of the Philippines Los Baños (NCPC-UPLB) at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang FAW o mas kilala na ‘harabas’ ay nakaapekto na ng humigi’t kumulang 1,000 ektaryang lupain at 4,000 na mga magsasaka, kung saan nagtala ito ng P50.2 milyong pagkalugi. Bukod sa harabas, mayroon pang ibang mga “lepidopteran” na peste ang nagdudulot ng pagkasira ng dahon ng mga tubó.
Sa ilalim ng programang “HARABUST: Harnessing Adaptive Responses and Best Practices against Armyworms and Other Lepidopterous Insect Pests using Science and Technology” ay ang mga proyektong naglalayong patibayin ang mga taniman ng tubo at pataasin ang ‘pest resilience’ nito. Kabilang dito ang pinagsasama-samang biyolohikal na pagkontrol, ekolohikal na pamamaraan, ‘targeted’ na pang-interbensyong kemikal , at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga magsasaka, mga teknikal na kawani, at teknisyan.
Sa panimulang pagpupulong na inorganisa ng Crops Research Division (CRD) ng DOST-PCAARRD, binigyang-diin ni NCPC Director at Program Leader Barbara L. Caoili ang layunin ng programang ihatid ang pinagsama-samang solusyong nakabase sa siyensya at teknolohiya upang mapabuti ang industriya ng pagtutubó.

Binigyang pansin din ni CRD Director Leilani D. Pelegrina ang koordinasyon at pagsisikap ng pangkat, kung saan inihayag din niya ang layunin ng DOST-PCAARRD na magbigay ng karampatang suporta upang masiguro ang matagumpay na implementasyon ng programa.
Sa tulong ng programang HARABUST, pinagtitibay ng DOST-PCAARRD ang estratehiko nitong pangalagaan ang industriya ng tubó sa bansa at patatagin ang sektor ng agrikultura sa bansa. Sa pamamagitan ng isang holistiko at makakalikasang estratehiya, nilalayon ng programa na magpatupad ng mga matatag na mekanismo sa pamamahala ng peste na nagtitiyak sa kaligtasan ng pananim ng tubo.

