
Ang saba ay isa sa mga madalas gamitin ng mga Pilipino para magluto ng mga miryenda gaya ng turon, maruya, at minatamis na saging. Ito rin ang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka lalo na sa CALABARZON, partikular sa probinsya ng Quezon, Laguna, at Batangas. Mataas ang pangangailangan ng industriya para sa saba, para sa pagkain at sa pagpo-proseso nito bilang mga produktong makikita sa merkado.
Dahil sa potensyal ng saba sa merkado, tinulungan ng Agri-Aqua Business Hub (AABH) ang Alaminos Laguna Consumer Cooperative (ALACCO) para pataasin ang kanilang produksyon ng saba. Ang AABH ay parte ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) Innovation and Technology Center (DPITC).
Malaki ang magiging tulong ng AABH lalo na’t dahil kasalukuyang tinitignan ng ALACCO ang isang kasunduan kasama ang SM Supermarket para sa pagsusuplay ng kooperatiba ng saba para sa produkto nitong turon. Kasalukuyang nakikipag-usap na ang ALACCO sa SM Supermarket kaugnay ng kalidad at dami ng kinakailangang suplay. Dahil sa dami ng kinakailangang saba ng SM Supermarket, tinitignan ng kooperatiba ang pagpaparami ng miyembro nito at paunlarin at pagbutihin pa ang kasalukuyang mga kasanayan sa pangangasiwa ng kanilang mga taniman ng saging na saba.
Kaugnay ng pagtulong ng AABH sa ALACCO, isinagawa ng AABH ang isang pagsasanay upang madagdagan ang kaalaman at pahusayin ang kasanayan ng mga magsasaka sa produksyon ng saba. Ang pagsasanay ay pinamagatang, “Recommended Cultural Management Practices for Saba Banana” kung saan dumalo ang 48 na magsasaka sa Bulwagang Bayan ng Alaminos. Ang pagsasanay ay inorganisa at ipinatupad ng AABH, sa pakikipagtulungan sa Institute of Plant Breeding (IPB) ng College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (CAFS-UPLB), at ng Municipal Agriculture Office ng Alaminos, Laguna.
Ang nagsilbing tagapagsalita ng pagsasanay ay si Dr. Lavernee Gueco, Division Head ng National Plant Genetic Resources Laboratory (NPGRL) ng IPB. Ang mga tinalakay ay ang Good Agricultural Practices (GAP) para sa saging, kasama na ang paghahanda ng lupa, tamang pagkakaayos ng tanim, pangangasiwa ng abono, at pagpapanatili ng taniman upang matiyak ang ani at mabawasan ang insidente ng peste at sakit.

Tinalakay din ang kahalagahan ng paggamit ng mga pananim na malinis at walang sakit pati na rin ang mga teknik sa pagpaparami gamit ang ‘macro-propagation.’
Ang pagsasanay ay magbibigay daan upang mapahusay ng ALACCO ang kanilang produksyon ng saba, matugunan ang pamantayan ng pamilihan, at matiyak ang kabuhayan ng mga miyembro nitong magsasaka.
