Philippine Standard Time
DOST-PCAARRD kasama ang pribadong sektor, susuportahan ang mga produktong gawa sa kawayan
Featured

DOST-PCAARRD kasama ang pribadong sektor, susuportahan ang mga produktong gawa sa kawayan

Binisita ng DOST-PCAARRD, First Gen Corporation, at TruForm Asia Packaging Corporation ang plantasyon ng kawayan ng Villanueva Farmers Association (VIFA) sa Nueva Ecija kaugnay ng posibleng kolaborasyon para sa pagpapaunlad ng mga teknolohiya ukol sa kawayan. (Image credit: First Gen Corporation)

Dahil sa patuloy na pagtangkilik ng mga mamimili sa mga likas-kayang materyales gaya ng kawayan, kasalukuyang tinitignan ng Department of Science and Technology (DOST) kung paano pa mapapaunlad ang industriya ng kawayan sa bansa. 

Nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa mga opisyal ng mga pribadong kumpanyang First Gen Corporation at TruForm Asia Packaging noong Enero taong kasalukuyan upang pag-usapan ang pagpapaunlad ng paggawa ng mga produktong gawa sa kawayan sa Nueva Ecija.

Nakipagpulong ang mga magsasaka ng VIFA sa DOST-PCAARRD, First Gen Corporation, at TruForm Asia Packaging Corporation. Tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang kalagayan ng industriya at kung paano ito makatutulong sa pagtugon sa mga umiiral na hamon.

Ang delegasyon ay bumisita sa plantasyon at pasilidad ng Villanueve Farmers Association (VIFA) sa Pantabangan, Nueva Ecija upang obserbahan at suriin ang kasalukuyang estado ng produksyon ng kawayan sa lugar. Ininspeksyunan din ng grupo ang ilan sa mga kagamitan ng VIFA sa paggawa ng mga produktong-kawayan.

Ipinarating naman ng TruForm ang kanilang intensyon na suportahan ang VIFA at ang komunidad nito sa pagpapalago ng kanilang negosyo sa tulong ng mas klarong estratehiya at likas-kayang operasyon.

Sumentro naman ang diskusyon sa pagbuo ng isang panukala ng isang proyekto upang mapalawak ang kapasidad ng mga lokal na komunidad sa paggawa ng mga produktong kawayan. Ibinahagi ng First Gen Corporation ang kanilang kagustuhang makipagtulungan sa DOST-PCAARRD ukol sa proyektong ito. Layon ng proyekto na paigtingin ang produksyon ng mga teknolohiya sa kawayan at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda na sila ring benepisyaryo ng First Gen Corporation.

Kasama sa pagbisita ang pag-inspeksyon ng mga makinarya at kagamitan ng VIFA sa pagproseso ng kawayan. Ilan sa mga produkto ng VIFA ay ang mga bamboo slats na ginagamit sa konstruksyon, dekorasyon, at muwebles. (Image credit: TTPD, DOST-PCAARRD)

Ang susunod na hakbang sa inisyatibong ito ay ang patuloy na pagpupulong ng mga kinauukulan para pag usapan ang mga detalye ng proyektong ito.